In-demand ang ilang trabaho sa agribusiness sector pero mahirap punuin.
Batay sa JobsFit Labor Market Information Report 2022, kabilang sa mga trabahong maraming bakante ngayon ay agricultural economist, animal husbandry, aquaculturists at iba pa.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang mga in-demand occupations ay ang mga trabahong palaging inaanunsyo ng mga establisyimento o industriya at mayroong mataas na turnover o replacement rate.
Ang mga hard-to-fill occupations ay mga job vacancies kung saan nahihirapan ang mga kumpanya na makahanap ng taong ookupa sa posisyon dahil ilan sa mga aplikante ay hindi kwalipikado o walang supply ng job applicants kung saan mas nais ng mga ito na magtrabaho abroad, nais magkaroon ng mataas na sahod o may alinlangan sa work schedule o location.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, ang Pilipinas ay patungo sa isang ekonomiya na mas malakas ang industriya ng manufacturing at service.
Pero binigyang diin ni Bello na ang Pilipinas ay isa pa ring agricultural country kung saan one-third ng labor force ay nasa sektor ng pagsasaka, pangingisda, forestry at livestock.
Nasa daan-daang batang agricultural professionals ay nakatakdang i-deploy sa iba’t ibang tanggapan at proyekto sa ilalim ng Government Internship program.
Nabatid na lumagda sina Bello at Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar sa isang kasunduan kung saan daan-daang technical at agricultural biosystems engineers at graduates ay ipapasok sa DA para punuin ang demand para sa nasabing propesyon.