Mga tracker team para sa pag-aresto kina dating Rep. Zaldy Co at 17 iba pa na sangkot sa flood control anomaly, idineploy na ng DILG

Nag-deploy na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng mga tracker team para sa pag-aresto kina dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co at 17 iba pa na sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nakahanda na ang mga tracker team simula pa noong Martes at agad na pinakilos ang mga ito matapos mailabas ang warrant of arrest laban sa mga nabanggit na indibidwal.

Sa ngayon, pinupuntahan na ng mga team ang mga tirahan ng mga sangkot sa flood control scandal.

Tiniyak ng ahensya na kahit hindi pa tukoy ang kasalukuyang kinaroroonan ni dating Congressman Zaldy Co, pupuntahan pa rin nila ang lahat ng kaniyang bahay upang matukoy kung nasa Pilipinas pa ito. Batay sa huling impormasyon ng DILG, nasa Japan ang dating kongresista.

Samantala, tinitingnan na rin ng mga awtoridad ang mga video surveillance ng mga opisina ni Co upang malaman kung nasa bansa pa siya sa nakalipas na lima hanggang anim na buwan.

Kapag nakumpirmang wala na ito sa bansa, mag-a-apply ang Korte ng red notice at ng kanselasyon ng kaniyang passport.

Una nang sinabi ni Remulla na magiging hamon sa kanila ang pag-aresto kay Zaldy Co sakaling nanirahan ito sa mga bansang walang extradition treaty tulad ng Malaysia at Portugal, o sa Russia at China na walang police cooperation.

Facebook Comments