MGA TRADISYUNAL NA LARONG PINOY, TAMPOK SA FIESTA NG LINGAYEN

Sa panahon ng teknolohiya at modernisasyon, unti-unti nang nalilimutan ang mga tradisyunal na larong Pinoy na minsang naging pangunahing libangan ng mga kabataang Pilipino.

Subalit, sa bayan ng Lingayen, muling nabuhay ang kasiglahan ng mga larong ito sa ginanap na Laro ng Lahi sa Lingayen Civic Center.

Ang Cultural Presentation ay tampok ang iba’t ibang tradisyunal na laro gaya ng sipa, tumbang preso, chinese garter, yoyo, luksong lubid, at agawan buko.

Nilahukan ito ng mga kabataan mula sa iba’t ibang paaralan, youth organizations, at Sangguniang Kabataan ng 32 barangays ng Lingayen.

Sa bawat laro, makikita ang kasiyahan at kagalingan ng mga kalahok, na tila baga nagbabalik sa kasaysayan ng kanilang mg SWa magulang at lolo’t lola na minsan ding naglaro ng mga ito.

Hindi alintana ng mga kabataan ang hirap na dala ng bawat laro. Sa halip, nangingibabaw ang kanilang kasiyahan at pagkakaisa. Makikita sa kanilang mga ngiti at sigaw ng tagumpay ang tunay na diwa ng mga larong Pinoy – ang pagbibigay ng saya at pagbubuklod ng komunidad.

Ang unang Laro ng Lahi ay inilunsad noong ika-10 ng Pebrero 1984 sa Laoag, Ilocos Norte sa pangunguna ng noo’y Ministry of Education, Culture, and Sports (ngayo’y Department of Education), katuwang ang Office of the Provincial Governor at Office of the Municipal Mayor. Mula noon, naging bahagi na ito ng iba’t ibang okasyon sa bansa, na naglalayong buhayin at ipagmalaki ang kulturang Pilipino. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments