Idadaan na sa online scheduling system ang lahat ng transaksyon sa Civil Service Commission (CSC) Central Office.
Ayon sa CSC, simula sa araw na ito, ang pagkuha ng certification o anumang certified true copy ng mga dokumento ay gagawin na sa Online Registration, Appointment, and Scheduling System (ORAS) at hindi na papayagan ang walk-in clients.
Nauna nang inilunsad ng CSC ang web-based application na magagamit ng publiko sa pagpapa-schedule ng appointment para makakuha ng kinakailangang mga dokumento.
Sa paggamit ng online registration, kailangan lamang magregister sa https://services.csc.gov.ph gamit ang web connected device tulad ng computer, laptop, smartphone o tablet.
Ayon pa sa CSC, sa ganitong paraan maiiwasan ang pagkahawa at pagkalat ng COVID-19 at ang mahabang pila at haba ng oras sa paghihintay.
Ilang CSC Regional Offices ang gumagamit na rin ng online scheduling applications bilang bahagi ng public health standards laban sa COVID-19 pandemic.