Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila na i-daan sa online application ang lahat ng pangunahing serbisyo at transaksyon sa Manila City Hall saan ka man sa siyudad o bahagi ng mundo.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, maaari nang magbayad ang publiko ng kanilang real property tax at business tax anumang oras at kahit nasaan sa pamamagitan ng “GO Manila App”.
Sinabi ng alkalde na gamit ang naturang application ay hindi na kinakailangang magpunta pa ng personal ang mga nagbabayad ng buwis sa Manila City Hall upang mabayaran ang kanilang dapat bayaran.
Tiniyak naman ni Yorme sa mga taxpayer na madali lamang gamitin ang nasabing application, mabilis ang transaksyon at naipatutupad ang “data privacy and security”.
Kabilang sa mga transaksyon na maaaring i-avail sa nasabing app ay ang community tax certificate, civil documents, at occupational health permits.
Kasama na rin dito ang e-wallet, prepaid load, electricity bills, water bills, cable at internet dues, gayundin ang telecommunications at maari din daw na magbayad dito mga motorista ng kanilang multa dahil sa paglabag sa batas trapiko sa Maynila.
Iginiit pa ni Mayor Isko na kung maaari ay huwag nang magtungo nang personal sa city hall at gamitin na lamang ang application upang mabawasan ang risk of exposure sa COVID-19.