Kuntento ang mga transport group sa ibinigay na ₱1.00 provisional increase ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mga public utility jeepney (PUJ).
Ayon kay Pasang Masda President Ka Obet Martin, malaking tulong na sa kanilang hanay ang piso na dagdag-pasahe upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Anila, sapat na ang kikitaing ₱300 hanggang ₱400 na maidadagdag sa arawang kita para matapatan ang walang preno na pagtaas sa presyo ng diesel.
Humingi naman ng pang-unawa si Boy Vargas ng grupong ALTODAP sa publiko na tatamaan ng dagdag-pasahe.
Nagbabala ang Pasang Masda at ALTODAP sa kanilang mga miyembro na huwag munang maningil dahil sa Lunes pa magkakabisa ang dagdag-pasahe.
Una nang nagpaalala kanina si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na maaaring ma-revoke ang prangkisa ng mga maagang maniningil ng pisong dagdag-pasahe.
Tiniyak naman ni Primo Morillo ng Passenger Forum na tututulan nila ang inihihirit na orihinal na ₱5 fare increase.
Aniya, sa halip na direktang ipapasan sa publiko ang mataas na presyo ng produktong petrolyo, mas mainam na may ibang magsakripisyo gaya ng pagtanggal sa excise tax sa e-vat at sa epektibong pagpapatupad ng fuel subsidy.