Mga tren ng MRT-3, sasailalim na sa mas mabusising preparasyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero

Matapos ang insidente ng pagliyab ng isa sa mga bagon ng MRT-3 kamakailan, isasailalim na sa mas mabusising preparasyon ang mga tren ng MRT-3 bago umarangkada sa main line.

Sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng MRT-3 na layon nito na matiyak na ligtas at nasa maayos na kondisyon ang mga tren bago bumiyahe.

Kabilang dito ang mas maagang pagsusuri ng mga maintenance technician at maintenance supervisor sa mga kondisyon ng lahat ng components tulad ng mga nasa underbody ng tren na binubuo ng static converter, traction motor at iba pa.


Sunod na iinspeksiyunin kung gumagana ang iba pang components sa interior at exterior ng tren gaya ng door handle, on board radio, public address, warning bell at iba pa.

Iinspeksyunin din kung may traction o kayang umarangkada ng tren sa pamamagitan ng traction check, gayundin kung may brake ito sa braking check, na mga bahagi ng functional test.

Pagkatapos nito, muling sasailalim sa preparation checks ang tren sa pangangasiwa naman ng train driver.

Kapag pasado sa mga inspeksiyon, saka pa lamang maaaring magbigay ng “go” signal na good for revenue na ang isang tren.

Facebook Comments