Mga tren, P2P, TNVS at taxi, balik-operasyon na sakaling ilagay na sa GCQ ang Metro Manila

Aarangkada na ang mga tren, point-to-point buses, Transportation Network Vehicle Services (TNVS) at taxi sa June 1 oras na isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Consultant Bert Suansing, papayagan na rin ang mga bus at modern jeepney pagdating ng June 21.

Gayunman, magiging putul-putol pa rin ang magiging biyahe ng mga motorista dahil lilimitahan sa 31 ang ruta ng mga bus mula sa dating 96.


Maliban dito, ipagbabawal pa rin aniyang makapasok sa Metro Manila ang mga provincial buses sa ilalim ng GCQ.

Paliwanag ni Suansing, ang mga galing sa norte ay hanggang sa terminal lamang sa Bocaue at Valenzuela habang ang mga manggagaling sa timog ay hanggang Sta. Rosa at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) lamang papayagan.

Sinabi naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia na ilalaan nila ang kaliwang lane ng EDSA sa magkabilang bahagi para sa mga bus.

Magkakaroon rin aniya ng 15 loading at unloading areas sa EDSA para hindi kung saan-saan nagbababa at nagsasakay ang mga bus.

Kasama rin sa plano ng MMDA ang pagpapatupad ng modified coding scheme kung saan papayagang bumiyahe ang mga sasakyang sakop ng coding basta’t hindi nag-iisa ang driver sa sasakyan.

Facebook Comments