Umapela si Deputy Speaker Bernadette Herrera sa Department of Transporation (DOTr) at sa Land Transportation Office (LTO) na tulungan ang mga miyembro ng tricycle operators and drivers association (TODA) at mga jeepney drivers sa kinakaharap na problema sa license at vehicle registration.
Hinihiling kasi ng mga tricycle at jeepney driver at operators na palawigin sa 6 na buwan ang validity ng mga mapapasong license at motor certificate registration.
Sinusuportahan naman ito ng kongresista upang mabawasan ang impact na idinulot ng pandemya sa pinansyal at kabuhayan ng mga nasa “tatlong gulong na sektor” dahil sa mga ipinatupad na lockdown at limitadong operasyon sa nakalipas na 2 taon.
Hinimok din ng mambabatas ang DOTr at LTO na silipin pa ang ibang mga concern o problemang inilapit ng mga TODA member tulad ng license testing at special fee o rate ng mga tricycle driver.
Umaasa ang kongresista na tutugon agad ang DOTr at LTO sa hiling ng sektor para na rin sa kanilang kapakanan at muling pagbangon mula sa epekto ng pandemya.