Mga tricycle driver, ipinasasama sa mga benepisyaryo ng “fuel subsidy” ng gobyerno

Ipinasasama ng isang kongresista sa mga benepisyaryo ng “fuel subsidy” ng gobyerno ang mga tricycle driver.

Sa privilege speech sa plenaryo ni Nueva Ecija Rep. Ria Vergara, tinukoy nito ang isang P1 billion na subsidiya ng pamahalaan para sa mga tsuper at operators ng public utility vehicles (PUVs).

Pero kung susuriin aniya ay limitado ang sakop ng subsidiya at hindi kasama rito ang mga tricycle driver lalo’t may ilang mga lugar na tricycle ang mas gamit sa public transportation.


Sa kasalukuyan aniya ay nasa 5 milyon ang mga tricycle driver sa buong bansa.

Giit pa ni Vergara, pagdating sa pagkakaloob ng ayuda ito ay dapat patas kung saan lahat ng kasama sa sektor ng transportasyon ay mabebenepisyuhan.

Aniya pa, ang pasakit na dala ng pagtaas ng mga produktong langis ay nararamdaman ng lahat lalo na sa sektor ng transportasyon.

Facebook Comments