Hirap umano ang ilan sa mga drivers ng mga pampasaherong sasakyan sa pagpasada lalo ngayong nararanasan sa lungsod ng Dagupan ang patuloy na pagbuhos ng ulan at ang pagbaha dulot ng nagdaang Bagyong Egay at panahon ng hightide.
Bukod sa nararanasang traffic na mas lalong bumigat ngayon dahil na rin umano sa ipinatupad na one way traffic scheme bunsod ng isinasagawang mga road elevations at upgrades ng mga drainages ay pasakit din umano ang malalim na pagbaha ngayon at noong mga nakaraang araw.
Hindi naman daw kasi maaaring tumigil ang mga ito sa pagpapasada dahil ang iba’y dito ang pinagkukunan ng panggamit sa araw-araw na pamumuhay, maliban na lang daw kung talagang matindi ang epekto ng kalamidad.
Sa mga jeepney drivers naman, ang iba raw sa kanila ay tinatapos na nang maaga ang kanilang pamamasada at umuuwi nang maaga habang hindi pa masyado lumalakas ang pag-ulan at lalo ngayon na mahirap na raw magkasakit.
Samantala, kasalukuyang nararanasan pa rin sa lungsod ng Dagupan ang pagbaha sa ilang barangay sa lungsod at sa ilang main roads tulad ng Arellano St at AB Fernandez. Pinayuhan naman ang lahat na manatiling nakaalerto dahil nanatiling nasa above alert status ang lebel ng tubig sa Sinucalan River sa bayan ng Sta. Barbara, at patuloy na binabanatayan ang possible pang pagtaas o kalagayan nito ng katuwang na ahensya ng lokal na pamahalaan ng Dagupan. |ifmnews
Facebook Comments