Mga tricycle, papayagang bumiyahe sa ilalim ng MECQ pero sa ilang kondisyon

Papayagan na ang mga tricycle na bumiyahe sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) kung maghahatid ng medical frontliners, para sa emergency, at sa mga taong kailangang bumili ng essentials.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, isa lang ang maaaring isakay sa bawat tricycle.

Una nang sinabi ni Joint Task Force Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na maging ang pag-angkas sa motorsiklo ay papayagan na rin basta medical frontliner o essential worker ang angkas nito at mayroong barrier.


Samantala, sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Goddes Hope Libiran na umabot na sa 100 bus ang idineploy sa 20 ruta para sa mga frontliners.

Nilinaw naman ni Libiran na hindi na kailangang mag-apply ng special permit ang mga public transport vehicle na gagamitin ng mga pribadong kompanya.

Kailangan lamang aniyang magpakita ang driver ng certificate/authorization letter o letter of intent mula sa kompanya na may nakasaad na partikular na ruta at patunay na ang sasakyan ay ginagamit na shuttle service.

Hinikayat naman nito ang mga kumpanya na mag-hire ng mga bus, UV express unit, at mga jeepney para makatulong sa kanilang hanapbuhay.

Tiniyak din ng DOTr na bibigyan ng libreng accommodation at pagkain, ang ilang pasahero na nakansela ang flight at sea travel.

Kailangan lang ipresenta ng pasahero ang kaniyang ticket, travel authority, at medical certificate para makinabang sa tulong ng DOTr.

Facebook Comments