Pinaghuhuli ang ilang tricycle drivers matapos gawing paradahan ang tapat ng Pasig City Public Market kung saan ipinatutupad dito ang “Pick and Go” sa mga nagbibiyaheng tricycle.
Ayon kay Christopher Aureada, Team Leader ng mga traffic enforcer na nakatalaga sa Market Avenue Revolving, Pasig, bawal pumarada ng matagal ang mga tricycle malapit sa kanilang public market.
Aniya, noong una ay naging maluwag sila sa batas trapiko sa lugar kaya pinagsasabihan lang nila ito.
Pero, talagang matitigas ang ulo ng mga tricycle driver kaya naman pinaghuhuli na nila ito.
Dagdag pa ni Aureada, dapat nasa kanilang terminal lang ang mga tricycle para maiwasan ang pagkalat at mahawaan sila ng virus.
Matatandaan mula nang ipatupad ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa bansa, pinayagan din na magbiyahe ang mga tricycle sa Pasig City matapos aprubahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga panuntunan ng lungsod ukol sa pagbalik pasada ng tricycle drivers nito.