Nakipag-ugnayan na sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga Pinoy crew ng isang cargo vessel na M/V Olympic na nakadaong sa Manila Bay Anchorage area.
Ito ay matapos pumanaw na sa sakit ang 1 sa 15 Pinoy crew na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon sa ulat, nakadaong ang isang Liberian-registered cargo vessel na patungo sanang China para maghatid ng karga nitong coal o karbon mula sa Indonesia.
Napilitan silang dumiretso na sa Pilipinas matapos na hindi sila tanggapin sa pantalan sa China makaraang magpositibo sa COVID-19 ang 15 sa kanilang mga kasamahan na pawang Pilipino.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Quarantine para mailipat sa mga hotel ang mga kababayang tripulante.
Naibaba na rin sa barko ang nasawing Pinoy at agad na na-cremate.