Mga trucker, TNVs at tricycle drivers, lalahok din sa tigil-pasada bukas

Handa na ang grupo ng mga jeeney driver at operators sa ikakasang malawakang tigil-pasada bukas.

Tinatayang aabot sa mahigit 100,000 jeepney at UV Express drivers at operators ang lalahok sa isang linggong transport strike.

Pero ayon kay MANIBELA National President Mar Valbuena, maliban sa kanilang grupo, nagpahayag na rin ng suporta sa gagawin nilang tigil-pasada ang PISTON at ilang grupo ng mga trucker, TNVs at tricycle drivers.


“Yung PISTON po, nagpahayag po na sasama sila sa gagawing nationwide strike bukas. Alam ko pati mga truckers, hihinto po ata sila pati mga tricycle. Nagpahayag sila ng suporta sa atin, tumawag, nagulat nga po ako. Ako po ay nagpapasalamat,” ani Valbuena sa panayam ng DZXL.

Muli namang iginiit ni Valbuena na hindi sila tutol sa PUV modernization program.

Katunayan aniya, ilan sa kanilang miyembro ang sumusunod sa requirements nito.

Gayunman, dapat aniyang maunawaan ng pamahalaan na marami ang nahihirapan dahil hindi naman lahat ay kumikita nang malaki at nauunawaan ang programa.

“Hindi naman po lahat ito, tutol na tutol dun sa pagbabago. Kailangan lang po maipaliwanag doon sa mga kasamahan natin. Kahit ako, hirap ipaliwanag sa kanila kasi kailangan mo talaga silang puntahan o sila ang papuntahin mo sa iyo para maliwanagan sila,” saad ng transport leader.

“Dapat magkaroon po yung LTFRB ng… napakalaki po nitong programa. Ang usapin dito, kung mawawala ba o mananatili? Kung mananatili, gaano ba kalaki yung kaakibat na gastos?”

“Hindi naman lahat ay may kakayanan. Kaya nga po nakikita natin, merong hindi maipagawa yung unit kasi hindi naman po lahat ng ruta malakas, hindi lahat ng ruta profitable, hindi lahat ng ruta, viable,” dagdag niya.

Ayon pa kay Valbuena, bukas naman sila sa pakikipag-dayalogo sa Department of Transportation (DOTr) pero dapat aniya na maging sinsero ang mga ito.

“Wala naman pong problema na makipag-usap pero sana, sinsero sila kasi yung mga tatamaan po, ito po talaga yung mahihirap, maghapon nagmamaneho, sa garahe natutulog, sa jeep, makita mo kahit ano lang yung kainin basta may maiuwi lang doon sa kanilang mga pamilya,” pahayag pa ni Valbuena.

Facebook Comments