Mga tsuper at operator ng PUV na sangkot sa overcharging sa rutang Binangonan-Megamall, pinagpapaliwanag ng LTFRB

Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga tsuper ng UV Express at Binangonan Transport Cooperative sangkot sa overcharging o sobra-sobrang paniningil ng pamasahe sa mga pasahero sa rutang Binangonan-Megamall.

Pinadadalo ng LTFRB sa November 5, 2025, ang mga respondent sa kaso upang pagpaliwanagin kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang Certificate of Public Convenience.

Una rito, sa surveillance na isinagawa ng Department of Transportation (DOTr) Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), lumalabas na mayroong fix rate na P60 na pamasahe sa mga pasahero sa naturang ruta.

Ibig sabihin kahit malapit lamang ang biyahe ay ₱60 pa rin ang sinisingil.

Mismong driver, fare collector, at ilang pasahero, ang nagkumpirmang fix na ang ₱60 pesos na pamasahe sa nasabing ruta.

Paliwanag ng isang driver, ang fixed fare na ₱60 na sinisingil sa mga pasahero ay dahil nagbabayad umano ang mga operator para payagan silang pumila at makapagsakay ng pasahero sa naturang mall.

Binigyang-diin ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na kailangang agad na maaksyunan ang ganitong uri ng pang-aabuso sa mga pasahero.

Facebook Comments