Nagpasaklolo sa Korte Suprema ang grupo ng mga tsuper ng jeepney.
Ito ay para hilingin sa mga mahistrado na sila ay makabalik na sa pamamasada.
Sa kanilang petition for certiorari and prohibition, hiniling ng mga miyembro ng National Confederation of Transportworkers Union (NTCU) na makabalik na sa pasada ang mga tradisyunal na jeepney na hanggang ngayon ay bigo pa ring makabiyahe dahil sa COVID-19 community quarantine.
Kinuwestyon ng grupo kung bakit marami pa ring jeepney ang hindi nakakabiyahe, gayung marami na raw na Public Utility Vehicles (PUVs) ang pinahihintulutan ng pumasada.
Hiniling nila sa Kataas-taasang Hukuman na ipahinto na ang anila’y “discriminatory enforcement” o diskriminasyon sa pagpapatupad ng tigil-pasada.
Kinukwestyon din nila ang otoridad ng Department of Transportation, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Inter Agency Task Force (IATF) na suspendihin ang public transportation na anila’y hindi naaayon sa Konstitusyon.
Anila, karamihan sa kanila ay natutulog na sa kanilang jeepney dahil wala na silang pambayad sa inuupahang bahay.