Mga tsuper na hindi nakakuha ng ayuda mula sa SAP, sumugod sa DSWD sa Q.C.

Bitbit ang mga placards na nagsasaad ng paghingi ng tulong, sumugod sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quezon City ang mga tsuper ng jeepney.

Ayon sa lider ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), simula noong Marso kung saan nag-lockdown sa Metro Manila, ay hindi pa nakatatanggap ang karamihan sa kanila ng ipinangakong ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay Ruben Baylon, ang Deputy Secretary General ng PISTON, pinatigil na nga ang kanilang pamamasada ay pinagkakaitan pa sila ng ayuda.


Dahil dito, ay lumabas at hinarap ang grupo ng mga tsuper ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao at ipinatawag sa lobby ng DSWD.

Hiningi ng DSWD ang listahan ng mga tsuper na hindi pa nakatatanggap ng tulong.

Paliwanag naman ni Dumlao, napagkasunduan na kapag naberipikang kwalipikado ang isang tsuper ay ilalagay ang mga ito sa waitlisted beneficiary para maihanay sa makakatanggap ng tulong pinansyal.

Batay sa rekord ng DSWD-National Capital Region (NCR), aabot na sa 98,132 na mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUVs) na kinabibilangan ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS), bus, jeepney at maging tricycle drivers sa buong Metro Manila ang nabibigyan na ng walong libong pisong (P8,000) assistance.

Facebook Comments