Ipinasisilip ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang katatagan at kaligtasan ng mga tulay sa bansa matapos ang pinakahuling insidente ng pagbagsak ng tulay kamakailan sa may Bayambang, Pangasinan.
Naalarma rin ang senador sa magkakasunod na pagbagsak ng mga tulay ngayong taon kabilang dito ang tulay sa Loay, Bohol na kumitil ng apat na katao, ang Kulafu River Bridge sa Davao City, at ang lumang tulay sa Majayjay, Laguna.
Nababahala si Pimentel dahil ang mga insidenteng ito ay nagdulot ng pagdududa sa structural integrity at safety ng lahat ng mga itinatayong tulay sa bansa.
Iginiit ng opposition senator na panahon na para isailalim sa safety review ang mga tulay para alamin kung may possible errors sa disenyo, specifications at pagbuo ng mga tulay.
Pinuna ng mambabatas na kung may regular assessment lamang sa mga tulay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay naiwasan sana na mangyari ang mga insidente.
Nagpahayag naman si Pimentel na isusulong na mabigyan ng pondo ang ahensya para sa gagawing review at evaluation sa mga tulay dahil buhay ng mga tao ang nakasalalay rito na hindi dapat ipagsawalang-bahala.