
Nagbabala ang Department of Justice (DOJ) na mahaharap sa kaukulang kaso ang sinomang mapapatunayang tumutulong sa pagtatago ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, kasong obstruction of justice ang kakaharapin ng sinomang mapapatunayang nagkakanlong o tumutulong kay Ang sa pagtatago sa batas.
Naniniwala naman ang Justice Department na nananatili pa rin sa bansa si Ang, batay na rin sa impormasyon mula sa Bureau of Immigration (BI).
Samantala, sinabi ng abogado ni Ang na si Atty. Gabriel Villareal na naghain na sila ng motion to quash kaugnay sa arrest warrants na inilabas ng Regional Trial Courts ng Sta. Cruz, Laguna at Lipa City, Batangas laban sa negosyante.
Nahaharap si Ang sa kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention dahil sa pagkawala ng mga sabungero ilang taon na ang nakalipas.










