Mga tumututol sa Anti-Terrorism Bill, malayang magpasaklolo sa Korte Suprema ayon sa Malacañang

“Magpasaklolo na lang kayo sa Korte Suprema”.

Ito ang pahayag ni Presidential Chief Legal Counsel Atty. Salvador Panelo laban sa mga tumutuligsa sa pagsasabatas ng Anti-Terrorism Bill.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Panelo na pinag-aaralan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing panukala matapos na ipadala sa kanyang tanggapan kahapon ng Kongreso.


Sinabi ni Panelo na batay sa kanyang pag-aaral, mas mabibigyan pa nga ng proteksyon ang karapatan ng bawat isa sa ilalim ng Anti-Terrorism Bill.

Binigyan diin ni Panelo ang kahalagahan ng nasabing batas lalo na’t hindi aniya ordinaryong krimen ang terorismo.

Kaya payo ng opisyal sa mga tumututol sa pagsasabatas nito, malaya nilang kwestyunin sa Korte Suprema ang nilalaman nito.

Batay sa itinakda ng batas, kapag hindi pinirmahan ng Pangulo ang isang panukalang batas sa loob ng tatlumpung araw, simula nang matanggap niya ito ay magla-lapse ito at magiging ganap na itong batas.

Facebook Comments