Malapit nang payagan para bumisita sa isla ng Boracay ang mga lokal na turista na manggagaling sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) tulad ng Metro Manila.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, inaprubahan ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) ang hiling ni Aklan Governor Florencio Miraflores Jr. na muling buksan ang Boracay hindi lamang sa mga taga-Visayas kundi maging sa mga iba pang GCQ areas.
Bukod sa Metro Manila, ang mga nasa ilalim ng GCQ hanggang September 30 ay ang Bulacan at Batangas sa Luzon at mga siyudad sa Taclocan at Bacolod sa Visayas.
Nilinaw ni Puyat na kailangan pang aprubahan ang desiyong ito ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases bukas, September 24.
Sisimulan na rin ng kalihim na makipag-usap sa mga local airlines hinggil dito.
Paalala ni Romulo-Puyat sa mga turistang planong bumisita sa Boracay na kailangan nilang magsumite ng negatibong swab test results sa pamamagitan ng Real-Time Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) 48 hanggang 72 oras bago ang kanilang departure mula sa kanilang panggagalingan.
Ang mga dayuhan naman ay hindi pa rin papayagang makapasok ng bansa para sa leisure travel.