Mga turista, pinayuhang huwag tumuloy sa kanilang bakasyon lalo’t kung daraanan at tumbok ng Bagyong Amang ang kanilang destinasyon

Payo ng Office of Civil Defense sa mga turista na ipagpaliban muna ang pagtungo sa mga lugar na apektado ng Bagyong Amang.

Ang paalala ay ginawa ni Diego Agustin Mariano, head ng joint information center ng Office of Civil Defense sa Laging Handa public briefing.

Ayon kay Mariano ang payong ito ay para na rin sa kanilang kaligtasan at para hindi ma-stranded.


Kung maaari aniya ay manatili muna sa kanilang kinaroroonan o mga tirahan at huwag na munang lumabas kung hindi naman kailangan.

Sa update pa ni Mariano, may mga naitala silang mga stranded na pasahero sa mga pantalan.

Wala naman aniya silang naitala na mga residenteng nailikas ngunit patuloy ang kanilang monitoring para sa posibleng paglilikas.

Paalala na lamang ni Mariano sa mga residente sakaling magsilikas, patuloy na obserbahan ang minimum health protocols at mamimigay rin aniya sila ng mga face mask para makaiwas sa hawahan ng mga sakit kasama na ang COVID-19.

Siniguro naman ni Mariano na naka-preposition na ang mga asset, manpower at relief items sakaling kailanganin agad.

Facebook Comments