
Saklaw ng tulong ng pamahalaan ang mga Pilipinong turista na naipit sa mga bansang apektado ng tensyon sa Middle East at hindi agad makauwi ng Pilipinas.
Ayon kay Secretary Hans Leo Cacdac, responsibilidad ng Department of Migrant Workers na umalalay sa lahat ng Pilipinong nangangailangan, hindi lang sa mga overseas Filipino worker (OFW) kundi pati sa mga turistang stranded.
Binigyang-diin ng kalihim na basta Pilipino at humihingi ng tulong, agad itong inaasikaso sa ilalim ng iisang country team kasama ang mga ambassador at ang Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinabi rin ni Cacdac na may natatanggap silang mga tawag, kabilang ang mula sa mga permanent resident na bumibiyahe bilang turista, na humihingi ng assistance.
Ang mga ito ay tinutulungan ng Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration, katuwang ang mga embahada at konsulada, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.










