
Mahigpit na mino-monitor ng intelligence community ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang listahan ng mga pangalan na umano’y sangkot sa planong destabilisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito’y matapos ibunyag ng broadcaster na si Ramon Tulfo ang listahan ng mga personalidad na umano’y mino-monitor ng gobyerno, kung saan kabilang sina Vice President Sara Duterte, Congressman Pulong Duterte, at negosyanteng Chavit Singson na nagpopondo umano ng destabilisasyon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, agad na inatasan ng Malacañang ang AFP na beripikahin ang impormasyon at tukuyin kung may sapat na batayan ang mga akusasyon.
Kailangan kasi aniyang masuri ito ng maigi dahil hindi lahat ng kumakalat sa social media ay totoo.
Tiniyak naman ng Palasyo na siniseryoso ng pangulo ang mga ganitong isyu at hindi ito palalampasin kung mapapatunayang may sabwatan laban sa administrasyon.









