Obligado pa ring sumailalim sa 14th day quarantine at swab test ang mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) na nabakunahan na sa ibang bansa kontra COVID-19.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, ang hakbang na ito ay kailangan dahil may mga kaso pa rin na kahit nabakunahan na ay tinatamaan pa rin ng COVID-19 o nakakapanghawa pa rin ng sakit.
Nag-iba naman ang patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil pagdating ng OFWs sa airport ay dadalhin na agad ito sa quarantine o isolation hotel.
Pagkalipas ng anim na araw na naka-quarantine ay saka pa lamang ito isasailalim sa swab test at kapag negatibo sa COVID-19 ay saka sila ihahatid sa kanilang tirahan.
Sa ngayon, tiniyak ng OWWA na gagawa sila ng paraan upang malibre sa pagkain, transportasyon at accommodation sa quarantine hotel ang mga OFWs na pagdadalhan sa mga ito.