
Mula sa Mount Samat, Bataan, dumiretso si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Camp Aguinaldo Quezon City para pangunahan ang pagbibigay tulong sa pamilya ng mga uniformed personnel na nasawi sa serbisyo, kasabay ng Araw ng Kagitingan.
Nasa 62 kaanak ng mga nasawing men in uniform ang dumalo sa pagtitipon.
Sa kaniyang talumpati, kinilala ni Pangulong Marcos ang kabayanihan ng nasawing uniformed personnel na ipinusta ang kanilang buhay para ipagtanggol ang bansa at ang mga Pilipino.
Kasabay nito, tiniyak ng pangulo na maibibigay nang tama at mabilis ang tulong ng pamahalaan sa mga kaanak ng nasawi na matagal nang nakabinbin dahil sa mahabang proseso at requirements.
Ipinag-utos ng pangulo na ibigay na ang benepisyo sa mga pamilya oras na masawi ang isang pulis o sundalo habang nagsi-serbisyo.
Sa ilalim ng Comprehensive Social Benefits Program, makakatanggap ng P250,000 ang mga benepisyaro sa unang tranche, at kaparehong halaga rin sa ikalawang tranche.
Sabi ng pangulo, sisimulan ang pamamahagi nito ngayong araw para mas maging makabuluhan ang paggunita ng Araw ng Kagitingan.