Usapin sa COVID-19, patuloy na tensyon sa Russia at Ukraine, maging ang kalakalan at investment ang mga napagkasunduang maisama ng mga APEC leaders sa kanilang leaders declaration.
Ito ay kaugnay sa pagtatapos ngayong araw nang isinagawang APEC Summit 2022 sa Bangkok, Thailand.
Batay sa deklarasyon ng APEC leaders hinggil sa isyu ng COVID-19, magpapatuloy ang paggamit ng anumang resources sa paglaban sa pandemya, habang palalakasin din ang sistema upang mapigilan ang ilan pang future health threats.
Determinado rin ang mga APEC leaders na maipagpatuloy ang immunization at pagbabakuna kontra virus, kung saan itinuturing na global public good.
Habang, sa isyu naman ng nagpapatuloy pa rin na tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia ay inihayag ng APEC leaders na hindi maitatangging may epekto ang hidwaan ng naturang dalawang bansa sa global economy.
Naging sanhi ito ng pagtaas ng inflation, pagkakaroon ng epekto sa supply chains, paglala ng energy at food insecurity at pagtaas din ng financial stability risks.
Binigyang-diin din ng APEC Leaders ang importansya ng international trade at World Trade Organization (WTO) para sa pagpapabilis ng global economic recovery at growth, kaunlaran, pagbawas ng kahirapan at pagkakamit ng sustainable development.
Kabilang din sa leaders declaration ay ang patuloy na pagpapalakas pa sa digital solution, access to health services at health systems sa harap ng target na maabot ang view to universal health coverage.