Mga uuwi ngayong November 1, inaasahang marami pa rin ayon sa ilang pamunuan ng bus terminal

Marami pang kababayan ang ngayong araw pa lamang babiyahe para makauwi sa mga probinsya sa paggunita ng Undas.

Ayon kay Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) Spokesperson Jason Salvador, naka-high alert pa rin ang pamunuan ng terminal ngayong araw dahil tiyak na marami-rami pa ang magsisiuwian ngayong November 1.

Sinabi ni Salvador na hindi man singdami kahapon ang mga kababayang dadagsa sa terminal pero kumpara sa mga normal na araw ay mataas pa rin ang magiging bilang ng mga pasahero dahil marami sa mga ito ay nagtrabaho pa hanggang kahapon, mga nanghihinayang sa kita, at yung iba ay limitado o wala nang leave.


Hindi naman dapat ipag-alala ng mga pasahero ang kanilang paglalakbay dahil mabilis lamang ang palitan at pagdating ng mga bus dito sa PITX kaya tuloy-tuloy ang pagbiyahe.

Dagdag pa ni Salvador, susunod na paghahandaan naman nila ay ang pagbabalik ng mga kababayan sa Metro Manila na inaasahang buhos sa darating na Linggo.

Facebook Comments