Nagsasagawa na ng job matching ang Department of Migrant Workers (DMW), para sa mga Pilipinong gustong umuwi ng Pilipinas dahil sa nagpapatuloy na giyera sa Sudan.
Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, may isang team sila na nangangasiwa sa bagay na ito.
May hawak naman aniya silang profiles ng mga Overseas Filipino Worker (OFW), nasa Sudan galing sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration o OWWA para gamitin sa job matching.
Ayon kay Ople, tutulungan ang mga Pilipinong ito na makahanap ng trabahong babagay sa kanila pagdating dito sa bansa, upang magkaroon ng panibagong hanapbuhay o pagkakakitaan.
Kaugnay nito, sinabi ni Ople na hindi na dapat pang alalahanin ng mga OFW ang magiging kalagayan ng kanilang pamilya rito sa pilipinas sa sandaling magsiuwi ang mga ito, dahil may pondo aniyang inilaan ang ahensiya para sa pinansiyal na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ang importante kasi aniya, ngayon ay makatawid ang mga OFW na ito mula sa giyera patungo sa ligtas na lugar at tuluyang makauwi rito sa Pilipinas.