Mga vaccination site, posibleng mas lalong dadagsain kung hindi iaanunsyo ang brand ng COVID-19 vaccines

Pinangangambahan ng isang kongresista na posibleng lalo pang dagsain ang mga vaccination site kung hindi na iaanunsyo ang brand ng COVID-19 vaccine na ituturok sa publiko.

Ito ang babala ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na taliwas sa sinabi ni Health Usec. Myrna Cabotaje na hindi na iaanunsyo ang tatak ng bakuna upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa mga lugar ng bakunahan gaya na lamang ng nangyari sa pagbabakuna ng Pfizer vaccines.

Ayon kay Biazon, ang naturang istratehiya ng Department of Health (DOH) na hindi na pag-anunsyo sa brand ng COVID-19 vaccine ay magdudulot ng “congestion” o pag-iipon ng mga tao sa mga vaccination site.


Paliwanag ng kongresista, posibleng dagsain ang mga lugar ng bakunahan dahil magtutungo ang mga tao roon sa pag-asang ang nais nilang brand ng COVID-19 vaccine ang gagamitin o ituturok sa kanila.

Giit ni Biazon, sa halip na itulak ang naturang hakbang ay mas mainam kung palalakasin ng DOH ang “vaccine confidence” o kumpiyansa ng mga tao sa bakuna anuman ang tatak ng mga ito.

Dagdag pa rito ay nagbabala rin ang mambabatas sa raket ng ilang vaccination sites kung saan may ilang mga tao na gumagamit umano ng pekeng “notification messages” para sa vaccine appointment.

Batay aniya sa kanyang “first hand sources”, ang “Pinoy style” raket na ito ay nagaganap sa hindi bababa sa dalawang lungsod kung saan may ilang mga tao ang nagba-bypass o hindi na dumadaan sa online registration o appointment system para agad na mabakunahan.

Facebook Comments