Mga vaccination site sa lungsod ng Maynila, dinagsa ng ilang mga indibidwal mula sa kalapit na lalawigan

Napag-alaman ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na hindi lang pawang mga residente sa lungsod ang pumila sa ikinasang first dose sa apat na mall.

Sa natanggap na ulat ng Manila Local Government Unit (LGU), karamihan sa mga pumila ay mula Cavite, Bulacan, Rizal at Laguna na dumagsa sa mga vaccination site sakay ng sangkaterbang van.

Nadiskubre ito matapos na isa-isang tanungin ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) kung mayroon silang hawak na QR Code.


Nabatid na hindi alam ng mga indibidwal ang proeso sa QR Code kaya’t inabisuhan na lamang sila na umuwi na lamang.

Sa datos na nakuha ng Manila LGU at ng MPD, umabot sa 7,000 hanggang 10,000 indibidwal ang nagtungo sa SM San Lazaro; 5,000 mahigit sa SM Manila; higit 3,000 sa Lucky Chinatown Mall at higit 4,000 sa Robinsons Place Manila.

Sa ipinasa pang ulat ng MPD, maayos pa ang sitwasyon mula alas-10:00 kagabi ng pumila ang mga nais magpabakuna pero bandang alas-2:00 ng madaling araw ay biglang dumagsa ang mga tao.

Kaugnay nito, pinauwi na lamang ng MPD ang hindi na naka-abot sa cut-off at pinayuhan naman ang iba na magparehistro muna upang makakuha ng kanilang QR Code na siyang pagbabasehan ng impormasyon at datos ng indibidwal.

Facebook Comments