Mga vendor sa Divisoria Public Market, bumwelta sa mga inilabas na pahayag ng ilang opisyal ng Manila LGU

Inakusahan ng samahan ng mga vendor ng Divisoria Public Market ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Maynila na sinungaling sa inilalabas nilang pahayag hinggil sa isyu ng pagbebenta ng nabanggit na establisyimento.

Ito’y matapos maglabas ng pahayag ang ilang nakaupo sa Manila Local Government Unit (LGU) na matagal nang naibenta ang Divisoria Public Market bago pa man sila naupo sa puwesto.

Giit ng lokal na pamahalaan ng Maynila, napilitan ibenta ang nasabing establisyimento dahil sa hindi ito kumikita at nalulugi na.


Buwelta naman ng mga vendor, imposibleng hindi kumikita ang bawat isa sa kanila dahil ang Divisoria ang sentro ng bagsakan ng mga ibinebentang produkto.

Bukod dito, makikita naman sa mga dokumento lalo na ang mga resibo na kumikita ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa kada monthly dues na kanilang ibinabayad.

Muli rin iginiit ng mga vendors na hindi nila kinakalaban ang Manila LGU dahil ang hangad lamang nila ay matulungan sila sa kanilang kalagayan lalo na’t nasa gitna na ng pandemya.

Hiling lang nila na magkaroon ng maayos na pwesto at huwag paalisin sa nasabing palengke upang magpatuloy ang kanilang kabuhayan para sa pamilya.

Facebook Comments