Umaalma ang mga vendor sa ginawang pagbebenta ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa Divisoria Mall.
Nabatid na nagulat na lamang ang mga vendor ng malaman na naibenta na pala ang Divisoria Public Market sa Festina Holdings, Inc. sa halagang P1,446,966,000.
Unang nakatanggap ng abiso mula sa Market Administration Office noong Nobyembre 11, 2020 ang mga miyembro ng Divisoria Public Market Credit Cooperative na isasara ang Divisoria Public Market simula Enero 31, 2021 dahil sa gagawing konstruksyon sa bagong itatayong gusali sa Tabora Street, Comercio Street, M. De Santos Street at Sto. Cristo Street sa Binondo.
Inabisuhan ang mga vendor na i-turnover ng mga ito ang kanilang mga puwesto upang maiwasan ang anumang abala kung saan maaari naman makakuha ng stalls ang mga may updated na permits at licenses sa Pritil Market sa pamamagitan ng pagsusumite ng application sa Market Admin Office bago ang closure ng Divisoria Public Market.
Ayon sa mga vendor, nagulat na lamang sila na naibenta na pala ang naturang palengke matapos maipasa ng konseho ang batas na siyang magbibigay karapatan sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila na ibenta sa pamamagitan ng public auction ang nasabing palengke.
Nabatid na gagamitin daw ang makukuhang pera bilang pondo para sa implimentasyon ng City’s Action Plan laban sa COVID-19 at iba pang pampublikong serbisyo at programa ng lungsod.
Napag-alaman na nasa halos 100 miyembro ng kooperatiba sa nasabing mall ang lubos na maapektuhan ng naturang bentahan na hanggang sa ngayon ay walang nakukuhang anumang tulong at anumang aksyon mula sa kinauukulan upang muli silang maibalik ang kanilang kabuhayan.
Binalaan din sila ng City Administrators Office na huwag tangkaing magtinda sa bangketa dahil mapipilitan ang nasabing tanggapan na ipaaresto sila sa mga awtoridad.