Mga vendors sa lungsod ng Maynila, magkakaroon na ng sariling vending stalls

Bibigyan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga vendor ng sarili nilang vending stalls sa mga susunod na araw.

Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, walang hihinging bayad para sa mga vending stall at ang tanging babayaran lamang ng mga vendor ay ang buwis na may resibo ng pamahalaang lungsod sa halagang ₱20 sa umaga at ₱20 sa hapon o ₱40 sa isang araw at nasa ₱1,200 kada-buwan.

Hindi na rin magtutulak o kaya ay magbubuhat ng kanilang mga paninda ang mga vendor lalo na ‘yong matatanda dahil maaari nilang iwan ang kanilang mga paninda sa kanilang stalls dahil maisasara naman ito at maikakandado.


Kahit pa umulan o bumagyo ay ligtas ang mga vendor gayundin ang kanilang mga paninda.

Sinabi pa ni Mayor Isko na ang naturang vending stalls ay gawa sa bakal at may kuryente na kung saan ay may sarili itong metro o submeter.

Nabatid na ang gastos sa pagpapagawa ng vending stalls na ipamamahagi sa mga lehitimong vendors ay nagmula sa mga natanggap na donasyon ng pamahalaang lungsod.

Naniniwala naman si Mayor Isko na sa pamamagitan nito, magiging responsable, may dignidad, legal, panatag, at higit sa lahat, wala ng pangongotong na mangyayari.

Pinaalalahanan naman niya ang mga mabibigyan ng sariling vending stalls na panatilihin ang kalinisan at ingatan ang simpleng handog sa kanila ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Facebook Comments