Nagbabala si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., sa mga content creator sa social media partikular na sa mga lumilikha ng takot at kaguluhan sa publiko dahil sa prank video.
Ang babala ay ginawa ng PNP chief matapos arestuhin ng Las Piñas City Police Station ang tatlong vloggers na kilala bilang “Tukomi brothers” dahil sa kontrobersyal na kidnapping prank na nag-viral.
Ayon kay Acorda, ang ganitong uri ng prank ay delikado lalo pa’t tungkulin ng mga pulis na rumesponde sa anumang masaksihang banta sa seguridad.
Nabatid na nakita mismo ng isang off-duty na pulis ang fake kidnapping incident na muntik pang matuloy sa engkwentro.
Aniya, magsilbi nawang aral ang pagkakaaresto kina Mark Heroshi San Rafael, Mark Lester San Rafael, at Eleazar Steven Fuentes dahil sa paglabag sa alarm and scandal.