Plano ng Commission on Elections (Comelec) na ayusin na lamang ang mga ginamit na Vote Counting Machines (VCMs) noong nagdaang halalan bilang paghahanda sa 2022 elections matapos na hindi napagbigyan sa hiling nila na P14.57 billion na budget sa ilalim ng national expenditure program for 2021.
Ayon kay Comelec Chairperson Sheriff Abas, gagawin na lang nilang parang bago ang mga VCM na ginamit noong 2016 at 2019 elections.
Aniya, mas maigi pa rin sana kung bago ang gagamitin sa 2022 elections dahil sa kalidad at tibay ng mga VCM pero kung pag-uusapan naman ang functionality ay halos parehas lamang kaya kailangan lang ng konting pagsasa-ayos.
Sinabi naman ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na posibleng umabot sa higit o nasa P1 billion ang gastos sa pagsasa-ayos ng 97,000 VCM kabilang na dito ang transmission at pag-imprenta ng mga balota.
Sa kabila nito, humihiling naman ang Comelec ng karagdagdang pondo para makabili ng karagdagang VCM upang mapababa nila ang bilang ng mga botante sa 800 kada clustered precint kumpara noong nakaraang eleksyon na nasa 1,000 botante sa kada clustered precinct.
Samantala, simula sa November 9, 2020, ibabalik na ng Comelec sa Lunes hanggang Biyernes ang voters registration mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon upang magkaroon ng pagkakataon na ma-disinfect ang kanilang mga opisina tuwing Sabado.
Nabatid na September 1, 2020 nang simulan ang voters registration ay inilipat ang schedule nito mula Martes hanggang Sabado.
Hindi naman magkakaroon ng voters registration sa mga critical areas na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa banta ng COVID-19.