Kasabay nang inaasahang pagbubukas ng mga isolation at quarantine facilities sa Metro Manila, tinatawagang pansin ngayon ng Department of Health (DOH) ang mga volunteer workers.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na kakailanganin nila ng tulong ng mga volunteer workers ngayong dadami na ang mga quarantine facility para tumugon sa mga pangangailan ng mga suspected COVID-19 positive patients.
Sinabi ni Vergeire na katuwang din nila ang Local Government Units (LGUs) sa paglalagay ng health human resources para sa community facilities.
Una nang inanunsyo ni Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF-EID) Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na pagsapit ng April 10 kapwa handa na ang Philippine International Convention Center (PICC) Forum Halls na may 700 bed capacities at Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila na mayroon namang 600 bed capacities.
Habang ang World Trade Center sa Pasay ay ready na pagdating ng April 12 at mayroon naman itong 650 capacities.
Maliban dito, ilan pang malalaking pasilidad sa National Capital Region (NCR) ang tinitignan para doon dalin ang mga mayruong mild to moderate symptoms ng COVID-19.