Plano ng Commission on Elections (COMELEC) na iretiro na o hindi na gamitin ang mga inayos na vote counting machines (VCMs) pagkatapos ng 2022 elections kasunod ng mga naitalang aberya.
Ayon kay COMELEC Commissioner Marlon Casquejo, ito na ang huling gagamitin ang mga nasabing VCMs at hindi na ito dapat gamitin sa 2025 elections.
Aniya, kahit sa Commission on Audit (COA) rules ay may lifespan na hanggang limang taon lang pwedeng gamitin ang mga technical machine na ginagamit ng pamahalaan.
Sinabi naman ni COMELEC Commissioner George Garcia na ang mga VCM ay isinailalim sa final test at sealing pero hindi nito ginagarantiyahan na ang mga makina ay magiging “perfectly operational” sa araw ng eleksyon.
Batay sa COMELEC, nasa 533 na VCMs lamang ang naitalang depektibo.