Ipinag-utos ng Department of Agrarian Reform sa mga empleyado nito na kumuha ng swab test sa loob ng labing-apat na araw.
Sinabi ni DAR Director for Administrative Service Cupido Asuncion na hindi papayagang makapasok sa kanilang trabaho ang mga empleyado na mabibigong makatugon.
Kasunod naman ito ng pagpositibo sa COVID-19 ng 31 empleyado ng ahensiya.
Una nang nagkaroon ng mandatory COVID-19 testing sa mga opisina ng ahensiya upang matiyak na hindi mahahawa pa ang ibang mga empleyado sa virus at agad mai-quarantine ang mga infected.
Sinabi pa ni Asuncion na 27 na lamang ang aktibong kaso sa kanilang kagawaran matapos gumaling ang apat.
Ang mga pasyente aniya ay patuloy na naka-quarantine na pawang asymptomatic at may mild symptoms lamang.
Ani Asuncion, hindi naman apektado ang kanilang trabaho dahil patuloy pa rin ang kanilang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka para matulungan ang mga ito lalo na ngayong may pandemic.