Mga walk-in sa Batasan Hills sa QC, malabong mabakunahan ngayong huling araw ng nationwide vaccination program

Malaking hamon ngayon sa Quezon City government na mabakunahan ang lahat ng nagpunta sa Batasan Hills National High School sa Quezon City.

Ito ay matapos dumugin ng mga menor de edad, health workers, senior citizen, adult o nasa tamang edad, may comorbidities at may immunocompromised ang nasabing vaccination site.

Sa ngayon, mas madami ang walk-in na halos mapuno na ang gusali ng Batasan Hills National High School at mahaba rin ang pila ng walk-in sa labas.


Ayon sa tauhan ng barangay na nangangasiwa sa pila, malabo nang mabakunahan ang mga walk-in o mga quick subtitution list dahil prayoridad nila ang mga nagrehistro online.

Paliwanag ni Angelbert Apostol ng Quezon City government, magagalit naman ang mga nagpalista online kung sila ang hindi mababakunahan gayong sila ang naka-schedule.

Pero susubukan naman daw nilang maghagilap ng bakuna sa ibang vaccination site para mabakunahan ang mga nag-walk-in.

Dagdag pa nito, limitado lang ang bakuna sa kada vaccination site kaya’t pagkakasyahin lang kung hanggang saan ang kakayanin.

Una nang sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na kabilang sa nakitang problema sa 1st day ng nationwide vaccination program ang pagdagsa ng tao sa vaccination site habang sa iba naman ay maluwag pa.

Facebook Comments