Mga warehouse ng smuggled na bigas, sinalakay ng Bureau of Customs

Sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), ang dalawang warehouse na nag-iimbak ng smuggled na bigas.

Partikular sa Pulang Lupa sa Las Piñas City at Bacoor, Cavite.

Kasama ng BOC sa operasyon ang ilang tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service, Port of Manila, Legal Service, Philippine Coast Guard at mga barangay officials.


Ang mga nasabing warehouses ay nagtatago o nag-imbak ng mga bigas mula sa Vietnam, Thailand, at China kung saan tinatayang nasa ₱40 milyon ang halaga nito.

Nadiskubre pa na ang trader ng mga naturang smuggled na bigas ay nagbebenta ng 25-kilo na sako ng Vietnamese rice sa halagang ₱1,320.00 sa merkado na katumbas ng the market ₱52.8 kada kilo.

Ang nasabing presyo ay hindi tumatalima sa Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagtatakda ng ₱41.00 at ₱45.00 na kilo sa well-milled at regular-milled rice.

Iginiit pa ng may-ari ng mga warehouse, hindi sila ang importer ng bigas at pawang mga trader sila kaya’t hinanapan sila ng proof of payment ng correct duties at taxes mula sa supplier o importer.

Binigyan naman ang mga may-ari ng warehouse ng 15 araw para magpasa ng kaukulang dokumento.

Ang nasabing hakbang ay kasunod na rin ng inihayag ni Pangulong Marcos Jr. na tapusin na ang profiteering, smuggling at hoarding ng bigas sa bansa kasabay ng pagsisiguro na may mabibiling murang pagkain ang bawat Pilipino.

Facebook Comments