Cauayan City, Isabela- Bilang pagluluksa sa pagpanaw ni LPGMA Partylist Representative Rodolfo Albano Jr. o mas kilala sa tawag na ‘Tata Rudy’ ay inaasahang ilalagay sa half-mast ang bandila sa kapitolyo at maaaring maging sa buong Lalawigan ng Isabela.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Ginoong Romy Santos, Media Consultant ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, kung saan ay nakatakdang iuwi ang kanyang mga labi sa darating na Sabado, Nov. 09, 2019.
Ayon aniya sa anak ni Tata Rudy na si Isabela Gov. Rodolfo Albano III, pansamantala munang ibuburol sa Provincial Capitol ng Isabela ang mga labi ng kanyang ama bago iuwi sa kanilang tahanan sa bayan ng Cabagan, Isabela.
Si Rodolfo Albano Jr. na binansagang ‘Lawin ng Isabela’ ay pumanaw sa edad na 85 dakong alas 6:00 kagabi sa Cardinal Santos Memorial Hospital sa Metro Manila dahil sa heart failure.
Sa ngayon ay wala pang impormasyon kung kailan at saan ililibing ang nasabing mambabatas.