Mga wikang namamatay o dying language sa bansa, sinusubukang isalba ng komisyon sa wikang Filipino

Sinisikap ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na buhayin muli ang mga wikang namamatay.

Mayroong higit 130 wika ang Pilipinas pero 40 dito ang nanganganib na mamatay o itinuturing nang patay dahil nababawasan ang bilang ng mga gumagamit nito.

Ilan sa mga itinuturing nang patay ay: Inagta Isarog sa Naga, Camarines Sur; Ayta Tayabas sa Quezon; Katabaga sa Bondoc Peninsula, Quezon; Agta Sorsogon sa Prieto Diaz, Sorsogon; at ang Agta Villa Viciosa sa Abra.


May ilang katutubong wika rin kakaunti na lamang ang gumagamit tulad ng: Arta sa Quirino; Inata sa Negros Occidental; Alta Kabulowan sa Nueva Ecija; Alta sa Aurora; at ang Inagta Iraya sa Buhi, Camarines Sur.

Ayon sa Pambansang Alagad ng Sining at Taga-Pangulo ng KWF na si Virgilio Almario, ang mga wikang ito ay kulang sa dokumentasyon dahil ipinapasa lamang ito sa pamamagitan ng Oral Tradition.

Nagsisimulang mamatay ang isang katutubong wika kapag hindi na ito ginagamit ng mga kabataan.

Ipinapanukala ng komisyon sa Department of Education (DepEd) na hinakayatin ang school paper na maglaan ng pahina o section sa katutubong wika.

Epektibong paraan ito upang mapalaganap ang wika at magkaroon ng record na pwedeng balikan.

Suportado ng DepEd ang panukala at isang Journalism Handbook ang kanilang binabalangkas na naghihikayat sa School Papers na maglaan ng isang section para sa katutubong wika.

Facebook Comments