MGCQ sa buong bansa, napapanahon na ayon kay Sen. Revilla

Kumbinsido si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na napapanahon nang isailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa.

Ipinunto ni Revilla na sa susunod na buwan ay mag-iisang taon na ang pagpapatupad ng community quarantine sa buong bansa.

Paliwanag ni Revilla, nag-iba-iba man ang uri nito, ay iisa ang naging bunga at iyan ay ang kawalan ng trabaho para sa karamihan at ang pagbagal ng ekonomiya.


Binanggit pa ni Revilla, lahat naman ng mga dapat na pag-iingat laban sa COVID-19 ay naituro na sa bawat isa.

Diin ni Revilla, nasa kamay na ng bawat Pilipino ngayon na maging reponsable at gawin ang kani-kaniyang ambag upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 habang binubuksan natin ang ekonomiya, industriya, transportasyon at mga hanapbuhay.

Dagdag pa ni Revilla, maiging harapin natin ang katotohanan na kailangan nang unti-unti tayong bumalik sa normal dahil sadyang kailangan nang magtrabaho ng ating mga kababayan at kailangan nang gumulong muli ng ekonomiya.

Facebook Comments