Nagpaalala ang Manila Health Department (MHD) sa mga residente ng lungsod ng Maynila na huwag basta-basta balewalain kung makakaranas ng sintomas ng monkeypox lalo na’t nakapagtala na ng isang kaso nito sa bansa.
Sa abiso ng MHD, libre ang pagkonsulta sa mga health centers o kaya ay lumapit sa mga barangay health workers sakaling makaranas ng sintomas ng monkeypox.
Tulad ng lagnat, rashes, namamagang kulani, pananakit ng kalamnan at sakit ng ulo.
Sa abiso pa ng Manila Health Department, maiging ihiwalay agad ang mga taong makikitaan ng sintomas at gumamit ng personal protective equipment kung mag-aalaga ng taong may sakit.
Ang mga magtutungo naman sa mga matataong lugar ay pinapayuhan na pairalin ang physical distancing at magsuot ng face mask para maiwasan na mahawaan ng monkeypox.
Ugaliin din ang paghuhugas ng kamay at gumamit ng alocohol kung saan maiging iwasan ang mga bagay na may kontak sa may sakit.
Payo pa ng Manila Health Department, maging alerto upang huwag tamaan ng monkeypox at maging ligtas anumang oras.