Nagsagawa ang Municipal Health Office (MHO) ng Mangaldan ng barangay-based Community Immunization Program noong Oktubre 27 at 28, 2025 bilang bahagi ng kampanyang Bakuna Eskwela ng Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd).
Isinagawa ang pagbabakuna sa mga barangay hall sa halip na sa mga paaralan, kasabay ng Wellness Break ng DepEd at paghahanda ng mga mag-aaral para sa Undas.
Layunin ng programa na mabigyan ng bakuna ang mga estudyanteng hindi nakadalo sa mga naunang iskedyul ng Bakuna Eskwela.
Kabilang sa mga ibinibigay na bakuna ay Measles-Rubella (MR), Tetanus-Diphtheria (Td) para sa mga mag-aaral ng Grade 1 at Grade 7, at Human Papillomavirus (HPV) vaccine.
Patuloy namang isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang kampanya para sa tuloy-tuloy na pagbabakuna ng mga bata bilang bahagi ng adbokasiyang pangkalusugan ng bayan.




