Maaaring hindi na payagang lumipad pa ang buong fleet ng Lionair Inc. matapos ang nangyaring insidente kagabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kina Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Deputy Director General for Operations Don Mendoza, parehong sa Lion Air aircraft ang bumulusok na eroplano na ginamit bilang medical evacuation aircraft, mag-a-alas otso kagabi sa runway 24 ng NAIA, at ang bumagsak ding eroplano sa Laguna noong nakaraang taon.
Ayon kina monreal at mendoza, bubusisiing mabuti ang record ng Lion Air upang mapagdesisyunan kung kinakailangan ang “grounding” ng mga units ng mga eroplano nito.
Pasasabihan dinanila ang mga operator ng Lion Air sa kanilang gagawing malalimang imbestigasyon at posibleng magiging desisyon batay sa kalalabasan nito.
Sinabi naman ni Mendoza na kasalukuyan pang hinahanap ang cockpit voice recorder ng eroplano dahil ito ang makapagsasabi kung ano ang totoong naganap sa insidente.
Nabatid pa na ang nagliyab na eroplano ay nakapaghatid ng medical supplies sa Iloilo noong isang araw ayon sa MIAA.
Dahil naman sa aksidente ay nasawi sa sunog ang walong sakay ng eroplano na kinabibilangan ng anim na crew at dalawang pasahero nito.