MIAA at Office for Transportation Security, pinagsusumite ng report kaugnay sa pagnanakaw ng ilang airport security personnel

Pinagsusumite ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ng report ang Manila International Airport Authority (MIAA) at ang Office for Transportation Security (OTS) patungkol sa napaulat na pagnanakaw ng pera ng isang security officer ng NAIA sa Thai tourist na bumisita sa bansa.

Nauna rito ay nagpahayag ng sobrang pagkadismaya si Poe sa nasabing insidente na aniya’y nakakagalit, nakakahiya at hindi katanggap-tanggap.

Ayon kay Poe, ang security personnel na dapat sana’y pumoprotekta sa mga pasahero ang siya pang nagsasamantala at gumagawa ng kalokohan.


Bunsod ng insidente ay pinagpapasa ni Poe ng report ang MIAA at OTS kaugnay ng iba pang insidente ng pagnanakaw sa airport na kinasangkutan ng mga tauhan ng paliparan.

Sakali kasing talamak na pala ang ganitong insidente ay mapipilitan ang Senado na imbestigahan ang ganitong iligal na gawain ng mga airport personnel.

Pinasusuri din ng senadora ang CCTV footage para malaman kung papaano nangyari ang pagnanakaw lalo’t dumaan lang sa xray screening ang bagahe ay napakabilis na nakuha ang pera.

Nagbabala si Poe na may katapat na kasong administratibo at kriminal ang pagnanakaw na ito ng airport security personnel.

Kwento pa ni Poe, maging ang kanyang staff ay nabiktima rin ng pagnanakaw sa airport dalawang buwan na ang nakalipas kung saan nanakawan umano ito ng Apple watch ng padaanin sa departure baggage security check ang mga dalang gamit.

Facebook Comments