Naging matagumpay ang unang araw ng electrical maintenance na isinagawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaninang madaling araw.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) Officer in Charge Bryan Co, successful ang ginawang pagsasaayos sa electrical system ng nasabing paliparan gaya ng pag-upgrade ng power cables, pagpapalit ng medium voltage circuit breakers, relays at protection settings.
Aniya, siniguro muna nila na gumagana ang generator sets para kung sakaling mag-shutdown ang Meralco ay nakasakay na sa gen set ang critical facilities para hindi maabala ang operasyon ng paliparan.
Samantala, magpapatuloy pa ang nasabing maintenance activities bukas ng November 30 sa parehong oras at susundan sa Dec. 5, 6, 7, 12 at 30 para matiyak na hindi na maulit pa ang nangyaring aberya noon at hindi na makaranas pa ng operation interruption.